11-Anyos, Sugatan sa Pananaksak sa Davao City

https://remate.ph/11-anyos-sugatan-sa-saksak-ng-kapwa-mag-aaral-sa-davao-city/

Nagtamo ng sugat sa likod ang isang onse-anyos na mag-aaral matapos itong saksakin ng kapwa nitong menor de edad sa loob ng isang pampublikong paaralan. Bandang alas-onse ng umaga noong Miyerkules, Oktubre 21, iniulat ng SIR Elementary School ang insidente sa kinauukulan ng Barangay 76-A, Davao City, na agad namang rumesponde.

Ayon sa Davao City Police, ang itinuturong suspek sa pananaksak ay isang binatilyo na trese anyos, isa ring estudyante sa eskwelahan ng biktima. Sa mga kumalat na bidyo online, makikita ang binatilyo sa loob ng paaralan habang may hawak na kutsilyo matapos ang insidente. Kinumbinsi siya ng mga kinauukulan na ibaba ang armas hanggang sa maagaw ng isang pulis ang kutsilyo. Sinabing hinalughog na umano ng tauhan ng paaralan ang bag ng mag-aaral, ngunit nakalihis ang nakasukbit na kutsilyo sa baywang nito.

Alinsunod kay Davao City Police spokesperson Lt. Col. Maria Teresita Gaspan, parehong Grade 5 students ang dalawang menor de edad ngunit hindi sila magkaklase. Para sa mga kasangkot, hindi inilabas ang pagkakakilanlan ng dalawang menor de edad.

Sa kasalukuyan, nasa pangangalaga ng Women and Children Protection Desk (WCPD) ang 13-anyos na estudyante para sa angkop na imbestigasyon ukol sa rason ng pangyayaring ito. Sinusuri ng mga awtoridad ang posibleng motibo ng suspek sa pagsasagawa ng karahasang ito, ngunit hindi pa kumpirmado kung ano ang direktang sanhi ng insidente.

Sa kabilang banda, habang ang imbestigasyon ay nagaganap, iniulat ng GMA News noong Oktubre 23 na nasa mabuting kalagayan na ang biktima na isinugod sa Southern Philippines Medical Center (SPMC) para sa karagdagang panggagamot.

Dahil sa pangyayaring ito, layon ng pulisya na paigtingin ang seguridad sa mga paaralan upang mapanatili ang kaligtasan ng komunidad lalo na sa paaralan. Tugon dito, maging maingat at maging responsable, magbigay ng sapat na impormasyon at babala upang hindi na maulit ang mga insidenteng naganap.